Pamalit
sa Buwan ng mga Ina
“Karugtong ng kahapon ang kasalukuyan at kinabukasan.”
Makalipas ang labing-isang taon
nang paghihiwalay, madurugtungan ang nakaraan nang may nag-PM sa
aking dati kong estudyante sa Los Baños, Laguna na si Maila Ani. Ito ang nilalaman “Hello Teacher Nor! Invite po
namin kayo sa Class Reunion namin. Gaganapin po sa May 3, Saturday at 1pm.
Venue is still to be finalized. Pwede po ba kayo?” Nasundan pa
ito ng isa. “Hi
Teacher Nor! May elementary class reunion po kami this May 3 sa Pansol.
Makakapunta po kayo
Simpleng
usapan lamang pero malaki ang naidulot upang muling balikan ang kanilang
kabataan at kakulitan sa panahon ng kanilang pag-aaral sa elementarya. Mayo 3, 2014, nang magkita-kita sa La Vista Pansol Resort. Walang
katapusang balitaan, usapan, tawanan at asaran nang hindi namamalayan ang
oras. Nagsilbing ina ang kanilang dating guro, tagatawa at tagapakinig sa
kanilang mga pinagdaanan bago makatapos sa kolehiyo. Hindi pa rin nawawala ang
kanilang pagrespeto at paggalang sa tuwing binibigyan ng payo tungkol sa
kanilang mga pangarap na nais pa ring marating.
Ito pa ang mga salitang hindi
matutumbasan ng kahit anumang parangal. “Jenno Contreras Awwwww, T. Nor! Hehehe katuwa naman. Camille Joy Enalbes Aww, thank u for the
affirmation T. Nor! Group huuugs Maila Ani hope to make you even more proud. kami na ang mga anak mo. it
was great seeing everyone! sana kumpleto next time.” Sila ang mga tropeyong
hindi makukuha ng sinuman. Salamat sa muling pagkikita-kita.
Sa kanyang simpleng pasasalamat na
idinadaan sa mga text
messages, mga comments sa facebook at sa tawagang anak at nanay
hindi naputol ang komunikasyon kahit bihira lamang mangyari. Hindi rin nakalilimot bumisita sa paaralang pinagtapusan sa elementarya. May 22, 2014, nang simulan niyang buksan
ang nilalaman ng kanyang puso. Isang tipikal na kabataang nakararanas ng
paghihirap ng kalooban. Hindi siya nag-iisa sa kanyang pinagdaraanan subalit ang harapin ito ng mag-isa at walang masabihan ang pinakamatindi sa lahat. Kung tutuusin napakaswerte niyang bata dahil nagsisimula na siyang bumuo ng kanyang mga pangarap. Ang husay at galing niya sa pagguhit ang kanyang baon upang makamit ang kanyang minimithi. Nagsilbi akong ina na tagapakinig sa kanyang mga hinaing at sa huli'y sinabi niyang "Nanay na talaga ang
itatawag ko sa iyo.” Natawa na lang ako sa aking sarili. Hindi ko na siya
dating estudyante lamang kundi anak na ring masasabi. Hindi man magkadugo pero
bahala na ang panahon kung ito ay magpapatuloy.
Bilang dating guro at itinuturing na Nanay, lubos ko itong ipinagmamalaki dahil sa kabila ng mga parangal na kanyang natamo
sa National
School Press Conference - NSPC bilang
isa sa pinakamahusay na Cartoonist sa pangkampus na pamamahayag ay nananatili pa rin
ang kanyang kababaang loob at hindi paglimot sa dati niyang mga guro. Isang katibayan
ang mga comments na mababasa sa FB: “Rowena Barrameda Cambel Galing
talaga e... We will always be proud of u as one of the best cartoonists... God
bless u always anak... Always keep moving forward and may u realize your dream.
Norilie Estrabo isang
kagaya mo anak Adrian Manalo ang maipagmamalaki ng
paaralan dahil hindi ka nagbabago at nakakalimot sa iyong pinagmulan...ang
husay, galing at kababaang-loob mo ang patuloy mong baunin tungo sa iyong mga
pangarap...God will always guide you...andito lang kami para sa iyo...Adrian Manalo Nakakaiyak
naman po nay. Wala naman po ako sa narating ko ngayon kung hindi po dahil sa inyo
saka sa mga tumulong sakin. Kayo po pati yung eskwelahan natin yung tunay na
gumagawa ng mga kagaya ko. Norilie Estrabo anak,
panyo kailangan mo? (joke)...hehehe... talent mo na iyan eh kaya lalo mo pang
pagyamanin...bihira lang kasi ang kagaya mo na bumabalik sa pinagmulan at diyan
kita hinangaan... hindi lamang kami ni Wena ang proud sa iyo...gayundin ang iba
pang guro dito na nakakakilala sa iyo...Adrian Manalo Salamat
po Mam Cambel. Kayo po yung tumutok sakin simula pa nung umpisa e.
Adrian Manalo Nakakatuwa
naman po Nay. Malaki po yung pasasalamat ko sa inyo.” Higit pa sa medalya at tropeyo ang iyong mga pasasalamat.

May 11, 2014, Mothers's Day magkakasama kaming
namamasyal ng aking mga pamangkin sa SM City Calamba nang banggitin sa akin ni Kaira Nicole Oporto “Tita, bakit walang Tita’s Day?” Sabay yakap sa aking baywang. Napaisip tuloy ako... Oo nga ano? Parang may pumitik na saya sa aking puso. Simple lamang iyon pero naipadama na sa akin ang kanilang pagmamahal. Marami nang pasakit at pagdurusa ang dumaan sa aming buhay pero hanggang sa kasalukuyan ay kami pa rin ang magkakasama.
Isa na rito ang aking pangako sa pumanaw kong ina na hindi
ko pababayaan ang tatlo kong pamangkin. Gagabayan ko sila sa abot ng aking
makakaya. Hindi man ako ang nagluwal sa kanila pero sa akin na sila halos lumaki
katuwang ang tunay nilang ina. Sila ang aking kalasag upang malampasan ang
anumang pagsubok sa buhay. Sila ang nagsisilbi kong kaligayahan sa tuwing
umuuwi ako ng bahay. Kahit gaano pa katindi ang pagod dala ng trabaho ay dagling nawawala kapag
sinasalubong ka na ng halik, yakap at tanong na “Kumusta na ang araw mo, Tita?” Ah…pawi na ang lahat ng pagod.

Marunong nga ang Diyos, hindi niya pinababayaan ang mga taong
sa KANYA ay nagtitiwala. Tatlong kwento ng buhay ko na nangyari sa loob ng Buwan ng mga Nanay…Ahh…Tama nga…Pangalawang
ina nga ako o pamalit sa kanilang tunay na mga ina ngunit bilang guro at tiyahin
ay patuloy akong magsisikap na hubugin at gabayan sila upang maiwasto ang mali
sa mundong ating ginagalawan. Hindi man ako perpekto na maibibigay ko ang lahat
nilang pangangailangan pero handa akong makinig sa kanilang mga hinaing. Ito man
ay malungkot o masaya.
Wala mang Tita’s Day,
higit pa roon ang hatid na premyong ibinibigay sa akin ng mga SIMPLENG YAKAP, HALIK at SALAMAT na
aking natatanggap. Daig ko pa ang nanalo sa lotto sa mga salitang kanilang
binibitawan.
Ang nangyayari ngayon ay magsisilbi
ring nakaraan sa paglipas ng panahon na maaari
nating balik-balikan upang maging gabay at hindi maligaw sa landas na gustong tahakin.
Tanging Diyos lamang ang nakababatid ng mga mangyayari sa ating KINABUKASAN.
*nor 06’15’14
Sanggunian:



Walang komento:
Mag-post ng isang Komento