Pamalit
sa Buwan ng mga Ina
“Karugtong ng kahapon ang kasalukuyan at kinabukasan.”
Makalipas ang labing-isang taon
nang paghihiwalay, madurugtungan ang nakaraan nang may nag-PM sa
aking dati kong estudyante sa Los BaƱos, Laguna na si Maila Ani. Ito ang nilalaman “Hello Teacher Nor! Invite po
namin kayo sa Class Reunion namin. Gaganapin po sa May 3, Saturday at 1pm.
Venue is still to be finalized. Pwede po ba kayo?” Nasundan pa
ito ng isa. “Hi
Teacher Nor! May elementary class reunion po kami this May 3 sa Pansol.
Makakapunta po kayo
Simpleng
usapan lamang pero malaki ang naidulot upang muling balikan ang kanilang
kabataan at kakulitan sa panahon ng kanilang pag-aaral sa elementarya. Mayo 3, 2014, nang magkita-kita sa La Vista Pansol Resort. Walang
katapusang balitaan, usapan, tawanan at asaran nang hindi namamalayan ang
oras. Nagsilbing ina ang kanilang dating guro, tagatawa at tagapakinig sa
kanilang mga pinagdaanan bago makatapos sa kolehiyo. Hindi pa rin nawawala ang
kanilang pagrespeto at paggalang sa tuwing binibigyan ng payo tungkol sa
kanilang mga pangarap na nais pa ring marating.
Ito pa ang mga salitang hindi
matutumbasan ng kahit anumang parangal. “Jenno Contreras Awwwww, T. Nor! Hehehe katuwa naman. Camille Joy Enalbes Aww, thank u for the
affirmation T. Nor! Group huuugs Maila Ani hope to make you even more proud. kami na ang mga anak mo. it
was great seeing everyone! sana kumpleto next time.” Sila ang mga tropeyong
hindi makukuha ng sinuman. Salamat sa muling pagkikita-kita.
Sa kanyang simpleng pasasalamat na
idinadaan sa mga text
messages, mga comments sa facebook at sa tawagang anak at nanay
hindi naputol ang komunikasyon kahit bihira lamang mangyari. Hindi rin nakalilimot bumisita sa paaralang pinagtapusan sa elementarya. May 22, 2014, nang simulan niyang buksan
ang nilalaman ng kanyang puso. Isang tipikal na kabataang nakararanas ng
paghihirap ng kalooban. Hindi siya nag-iisa sa kanyang pinagdaraanan subalit ang harapin ito ng mag-isa at walang masabihan ang pinakamatindi sa lahat. Kung tutuusin napakaswerte niyang bata dahil nagsisimula na siyang bumuo ng kanyang mga pangarap. Ang husay at galing niya sa pagguhit ang kanyang baon upang makamit ang kanyang minimithi. Nagsilbi akong ina na tagapakinig sa kanyang mga hinaing at sa huli'y sinabi niyang "Nanay na talaga ang
itatawag ko sa iyo.” Natawa na lang ako sa aking sarili. Hindi ko na siya
dating estudyante lamang kundi anak na ring masasabi. Hindi man magkadugo pero
bahala na ang panahon kung ito ay magpapatuloy.


May 11, 2014, Mothers's Day magkakasama kaming
namamasyal ng aking mga pamangkin sa SM City Calamba nang banggitin sa akin ni Kaira Nicole Oporto “Tita, bakit walang Tita’s Day?” Sabay yakap sa aking baywang. Napaisip tuloy ako... Oo nga ano? Parang may pumitik na saya sa aking puso. Simple lamang iyon pero naipadama na sa akin ang kanilang pagmamahal. Marami nang pasakit at pagdurusa ang dumaan sa aming buhay pero hanggang sa kasalukuyan ay kami pa rin ang magkakasama.
Isa na rito ang aking pangako sa pumanaw kong ina na hindi
ko pababayaan ang tatlo kong pamangkin. Gagabayan ko sila sa abot ng aking
makakaya. Hindi man ako ang nagluwal sa kanila pero sa akin na sila halos lumaki
katuwang ang tunay nilang ina. Sila ang aking kalasag upang malampasan ang
anumang pagsubok sa buhay. Sila ang nagsisilbi kong kaligayahan sa tuwing
umuuwi ako ng bahay. Kahit gaano pa katindi ang pagod dala ng trabaho ay dagling nawawala kapag
sinasalubong ka na ng halik, yakap at tanong na “Kumusta na ang araw mo, Tita?” Ah…pawi na ang lahat ng pagod.

Marunong nga ang Diyos, hindi niya pinababayaan ang mga taong
sa KANYA ay nagtitiwala. Tatlong kwento ng buhay ko na nangyari sa loob ng Buwan ng mga Nanay…Ahh…Tama nga…Pangalawang
ina nga ako o pamalit sa kanilang tunay na mga ina ngunit bilang guro at tiyahin
ay patuloy akong magsisikap na hubugin at gabayan sila upang maiwasto ang mali
sa mundong ating ginagalawan. Hindi man ako perpekto na maibibigay ko ang lahat
nilang pangangailangan pero handa akong makinig sa kanilang mga hinaing. Ito man
ay malungkot o masaya.
Wala mang Tita’s Day,
higit pa roon ang hatid na premyong ibinibigay sa akin ng mga SIMPLENG YAKAP, HALIK at SALAMAT na
aking natatanggap. Daig ko pa ang nanalo sa lotto sa mga salitang kanilang
binibitawan.
Ang nangyayari ngayon ay magsisilbi
ring nakaraan sa paglipas ng panahon na maaari
nating balik-balikan upang maging gabay at hindi maligaw sa landas na gustong tahakin.
Tanging Diyos lamang ang nakababatid ng mga mangyayari sa ating KINABUKASAN.
*nor 06’15’14
Sanggunian: